Bata sa hallway ng dorm

March 8, 2025

Medyo matagal na rin ako sa dorm na ‘yon, pero wala naman akong nakikitang batang pumupunta dun, hanggang isang araw, kakauwi ko lang galing school. Pag-akyat ko, may nakita akong batang naglalaro sa dulo ng hallway. Syempre, nagulat ako kasi first time ko makakita ng bata dun, pero di ko na lang masyadong pinansin at pumasok na ako sa room namin. Ako pala yung nauunang umuwi sa amin ng kasama ko, so ako, syempre pahinga muna, humiga at nag-cellphone. Sarap pa ng tawa ko dahil sa mga pinapanood ko sa Facebook. Tapos mamaya-maya, may kumatok. Akala ko kasama ko na ‘yun kasi nilolock talaga namin yung pinto for security purposes. So, tumayo ako para buksan yung pintuan, pero pagbukas ko, walang tao. Paglingon ko sa dulo ng hallway, wala na yung bata, pero paglingon ko sa hagdan, may bata na tumatakbo pababa. So, alam ko na yun yung bata kanina at baka nanti-trip lang.

Next day, nagkasabay kami ng roommate ko umuwi. Naabutan niya akong paakyat na, kaya tinawag niya ako at sabay na kami umakyat. Tapos, pag-akyat namin, lumingon uli ako sa dulo ng hallway at nakita ko na naman yung bata. At pangiti kong sinabi sa roommate ko na, “Ayun na naman yung batang nanti-trip kahapon.” Tapos, pagtingin niya, nagulat siya at nagkatingin kami. Sabi niya, “Beh! Wala akong nakikitang bata.” Tapos sabi ko, “Talaga?” Sabay uli namin tinignan yung dulo ng hallway, at wala talaga siyang nakikita, pero ako, nakikita ko, hanggang sa lumingon yung bata sa amin na seryoso yung mukha.

Ayun, hinila ko yung roommate ko, tapos tumakbo kami pababa na takot na takot, at tumambay muna kami sa Jollibee ng 2 hours dahil hindi pa namin kaya umuwi. Balak na rin namin lumipat, kaya naghahanap na kami ng malilipatan.