Akala ko swerte ako sa kotseng yun

March 10, 2025

Dahil nga sa sipag ko sa pagtatrabaho, nakapag-ipon na ako ng pera dahil matagal ko nang balak bumili ng bahay at sasakyan. Nung nasa office ako at break ko, sinubukan kong tumingin sa Facebook Marketplace ng mga binibentang second-hand na sasakyan dahil mas mura at makakatipid ako. Saktong may nakita akong kotse na kakapost lang, at trip ko yung kotse na yun, kaya kinontact ko agad yung seller at tinanong kung legit yung presyo na yun, at oo daw, binebenta nila kasi need nila ng funds. Kaya sinabi kong bibilhin ko na yun at wag nang ibenta sa iba. Pag-uwi ko, kinausap ko agad yung kakilala kong mekaniko malapit sa amin para isama siya sa pagbili ko ng kotse, at pumayag naman siya.

Pagdating namin sa meetup place, nakilala ko ang may-ari ng kotse na mag-asawa at mukhang mabait naman. Kaya chineck na ng mekaniko ko yung kotse, at pagpasok ko sa loob ng kotse na kaming dalawa lang, sinabi niyang ang ganda daw ng kotse at bagong-bago pa. Kaya pati siya nagtataka bakit binebenta sa ganung price. Ako naman, tuwang-tuwa dahil sino ba ang ayaw ng mukhang brand new na kotse sa mababang presyo? Kaya binayaran ko na agad at inuwi na namin yung kotse. Sabi pa nga ng mekaniko ko, “Pwede mo pa to ibenta, sir, sa mas mataas na presyo,” pero sabi ko, hindi, kasi ako gagamit nung kotse.

First 2 days ay okay naman yung kotse dahil ginamit ko agad sa work, at nung Saturday, naisipan kong mag-celebrate mag-isa dahil sa sipag ko kaya nabili ko yung kotse. Nag-road trip ako at buong gabi akong uminom. Pagdating ng 3 AM, medyo lasing na ako at inaantok na rin. Pagpunta ko sa parking, konti na lang din ang nakapark na kotse dahil nagsiuwian na. Pagpasok ko sa kotse, inaantok na talaga ako kaya napapapikit-pikit na ako. Nung patulog na ako, nakarinig ako ng iyak ng bata. Tinignan ko sa likod ko at magkabilang side mirror, pero wala namang bata. Dun na ako nagising at nawala ang lasing ko dahil matatakutin din ako. Sa sobrang takot ko, lumabas agad ako ng kotse at sinabi ko sa guard na iiwan ko muna yung kotse kasi medyo lasing ako. Pumayag naman si kuya guard dahil yun daw ang mas maganda para iwas-disgrasya. Nag-book ako ng Grab pauwi at buong byahe ay nakatulala lang ako dahil sa nangyari.

Kinabukasan, Linggo, kinuha ko na ang kotse at dumiretso sa bahay ng may-ari ng kotse, pero walang sumasagot. Buti na lang at nandun si ate na kapitbahay nila at sinabi niya na wala na ang mag-asawa, lumipat na ng bahay, at yun yung araw pagkatapos ko bilhin yung kotse. Kaya nakipagkwentuhan ako kay ate para malaman pa yung tungkol sa mag-asawa hanggang sa nakwento niya na kaya daw yata lilipat yung mag-asawa ay para magsimula ng bagong buhay at kalimutan ang malungkot na nangyari sa kanila. Sabay napalingon si ate sa kotse ko at tinanong kung sa mag-asawa ba yung kotse na gamit ko dahil nakita niya yung plate number. Sabi ko, “Oo ate, nabili ko sa kanila ‘to. Kaya nga ako pumunta dito para makausap sila, pero wala na pala sila.” Gulat na gulat si ate at sinabing, sa kotse na ‘yan, namatay ang anak nila na nasoffocate. Kaya bigla akong natakot at kitang kita yun ni ate kaya tinanong ni ate, “Kaya ka ba nandito para isoli kasi nagparamdam sa’yo yung anak nila?” Takot na takot akong umalis, at pinarada ko agad yung kotse sa labas ng bahay ng kaibigan ko. Sa kanya ko pinabenta yung kotse at bibigyan ko na lang siya ng commission at sinabi ko na lang na reason ay hindi ko pala gusto yung kotse at bibili na lang ako ng iba.

Bahala na, bebenta ko na sa mababang halaga basta ayoko na ulit sumakay sa kotse na yun.